Ravena, Thompson mangunguna sa Collegiate Mythical Team

MANILA, Philippines - Sina Kiefer Ravena at Earl Scottie Thompson ang babandera sa mga nanalo sa Collegiate Mythical Team award na ibibigay ng UAAP-NCAA Press Corps at ng SMART sa 2014 Collegiate Basketball Awards sa December 4 sa Saisaki-Kamayan EDSA.

Napili ng mga collegiate basketball scribes sina Ravena at Thompson para sa Mythical Team matapos hirangin bilang Most Valuable Player sa kanilang mga liga para sa Ateneo at University of Perpetual Help System Dalta, ayon sa pagkakasunod.

Tinulungan ni Thompson ang Altas sa ikatlong sunod na NCAA semifinal appearance at iginiya ni Ravena ang Blue Eagles sa muling pagpasok sa UAAP Final Four.

Ang Collegiate Mythical Team ay kukumpletuhin nina Mac Belo ng Far Eastern University, Ola Adeogun ng San Beda at Jeron Teng ng La Salle.

Tatanggapin naman nina Eric Altamirano ng National University at Bo-yet Fernandez ng San Beda ang kanilang Coach of the Year trophy sa awards dinner na suportado ng Smart Sports, Accel 3XVI at Kohl Industries (Doctor J alcohol, Bactigel hand sanitizer, at Mighty Mom dishwa-shing liquid.

Pinangunahan ni Belo ang Tamaraws sa kanilang unang finals appearance matapos noong 2005 mula sa kanyang buzzer-beating three-point shot laban sa De La Salle sa Final Four.

Yumukod ang FEU sa NU sa UAAP Finals.

Si Adeogun ay isa naman sa mga key players sa pagsikwat ng Red Lions sa kanilang limang sunod na NCAA crown matapos walisin ang Arellano Chiefs sa kanilang finals showdown.

Sumegunda si Teng kay Ravena sa MVP race sa UAAP at inakay ang Green Archers sa Final Four appearance.

Ang annual event, suportado rin ng San Miguel Corporation, UAAP Season 77 host University of the East, NCAA Season 90 host Jose Rizal University, Gatorade at ng Philippine Sportswriters Association, ay gabi ng pagkilala sa mga outstanding performers mula sa dalawang pangunahing varsity leagues.

 

Show comments