PHUKET, Thailand— Apat na Filipino muay fighters ang umusad sa semifinals kahapon sa 4th Asian Beach Games dito.
Pinabagsak ni bantamweight Phillip Delarmino si Sayed Aslamudin Amanullah ng Afghanis-tan matapos kumonekta ng roundhouse kick sa ulo, may isang minuto at 11-segundo ang natitira sa second round habang nanalo naman si flyweight Manuel Delos Reyes sa puntos laban kay Malaysian Aidil Che Omar, 5-0 sa muay arena sa Patong Central Beach.
Pumasok din sa semis sina middleweight Joel Zaspa at Alvin Berto (60kg) matapos manalo sa kani-kanilang laban noong Huwebes ng gabi.
Maganda naman ang ipinuwesto ng mga triathletes na sina John Chicano at Marion Kim Mangrobang sa beach modern pentathlon.
Pumuwesto sa fifth place si Mangrobang sa 10-meter shoot-50m swim-800m run event matapos magsumite ng oras na 22.1 minuto at hindi naman pinansin ni Chicano ang nananakit na likod para pumuwesto sa No. 6 sa 16 na naglaban sa kanyang oras na 20.22 minuto.
Susunod na kalaban ni Delarmino si Ahmed Salam Murad ng Iraq sa semis at lalabanan ni Delos Reyes, dinomina si Omar sa tatlong rounds, si Thai Arnon Phonkrathok na nanalo kay Korean Deok Jae sa quarterfinals.
Kalaban naman ni Zaspa, nadiskubre sa Cebu, ang Iranian na si Hossein Karami matapos dispatsahin si Kamlesh Dewangan ng India sa puntos habang makakaharap ni Berto si Sart Kalmakov ng Kyrgyzstan.
“We’re looking to win at least two gold medals. It’s going to be tough but doable,’’ sabi ni coach Roland Claro.
Nanatili ang Team Philippines sa 13th overall sa nakuhang tatlong gold medals, isang silver at apat na bronzes patungo sa huling dalawang araw ng kompetisyon.