MANILA, Philippines - Nasulit ang paghihintay ng Cagayan Valley Rising Suns sa kanilang number one rookie pick Moala Tautuaa na tumulong sa koponan sa 89-84 double-overtime panalo sa Café France Bakers sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May 26 puntos bukod pa sa pitong rebounds at tatlong assists ang 6’7” Fil-Tongan pero hindi niya sinolo ang pagbibida dahil naroroon din ang mga krusyal na buslo nina Alex Austria at Fil-Am Abel Galliguez sa 2-overtime para sa ikaapat na sunod na panalo ng Rising Suns.
Si Austria ang nagpatabla sa unang overtime nang maipasok ang isang 3-pointer (76-76) habang si Galliguez ay nagbagsak ng sampu sa kanyang 12 puntos sa ikalawa at huling overtime para tapusin ang hininga ng Bakers na lumasap ng unang pagkatalo sa apat na laro.
Si Tautuaa ay naglaro pa sa ASEAN Basketball League finals kaya’t hindi nakasama agad ng Cagayan pero agad niyang naipakita ang kanyang kakayahan nang manalasa ito sa regulation period.
Ang tres ni Tautuaa sa huling 3:45 ng fourth period ang nagbigay sa Cagayan ng 61-52 kalamangan pero nakabangon pa ang Bakers sa pinakawalang 15-6 palitan para magkatabla sa 67-all.
“The game is very physical and very different from the ABL. But I’ll adjust in due time,” ani Tautuaa na hindi na nakapuntos sa ikalawang overtime.
Mabuti na lamang at naroroon si Galliguez na gumawa ng four-point play at jumper para itulak ang Cagayan sa 84-76 bentahe.
Bago ito ay tinapos ng Cebuana Lhuillier Gems ang dalawang dikit na pagkatalo sa pamamagitan ng 77-57 pagdurog sa Tanduay Light Rhum Masters.
Naghatid ng tig-isang triples sina Kevin Ferrer, Mar Villahermosa at Almond Vosotros para pasiklabin ang 21-12 palitan upang ang anim na puntos na kalamangan ay lumobo sa15 sa halftime, 38-23.
Hindi na nakabangon pa ang Rhum Masters dahil sa patuloy na pag-iinit nina Villahermosa, Ferrer at Allan Mangahas para lumawig ang bentahe ng Gems sa 24 puntos, 63-39.
Si Villahermosa ay may 14 puntos, tampok ang 4-of-8 shooting sa 3-point line, si Ferrer ay may 13 at sina Mangahas at Norbert Torres ay nagsanib sa 21 puntos .