Mahuhusay na atleta ang isasabak ng DepEd sa Asean School Games
MANILA, Philippines - Pinawi ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Tonisito Umali ang pangamba na hindi makakalaro ang mga mahuhusay na atleta ng bansa sa gaganaping 6th ASEAN School Games mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 7 sa Marikina City at iba pang kalapit na lugar.
Dumalo si Umali sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon at sinabi niyang titingnan niya ang mga ulat na hindi pa nakukuha ng ibang paaralan ang liham mula sa DepEd para maipahiram ang kanilang manlalaro lalo na iyong mga nanalo ng gintong medalya sa katatapos na Palarong Pambansa.
“May mga napirmahan na akong mga sulat pero titingnan ko rin para masolusyunan ang bagay na ito,” wika ni Umali.
Binanggit pa ng opis-yal na handa ring magpahiram ng mga atleta ang mga kasaling National Sports Associations (NSA) para matiyak na may puwedeng pumalit kung hindi pahintulutan ang ibang mahuhusay na atleta.
Nasa 11 sports ang paglalabanan ng pitong bansa at ang Pilipinas na magsasali ng 272 atleta ay maghahangad na makabangon matapos mangulelat sa walong bansang naglaban noong 2013 sa Hanoi, Vietnam nang magkaroon lamang ng tatlong bronze medals.
Ang Vietnam na siyang nagdedepensang overall champion ay sasali uli bukod pa sa Thailand, Malaysia, Singapore, Indonesia at Brunei Darusalam.
Sa ikalawang edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2010 nagsimulang sumali ang Pilipinas at nakalikom pa lamang ang mga ipinanlaban ng isang ginto, apat na pilak at siyam na bronze medals.
Ang ginto ay nasungkit ng bansa noong 2011 sa Singapore nang manalo ang San Beda Taytay sa boy’s basketball.
Kasama ang basketball sa lalaruin sa edis-yong ito at paborito uli ang bansa. Ang iba pang sports ay ang athletics, swimming, sepak takraw, badminton, table tennis, gymnastics, volleyball, tennis, golf at wushu.
Ang Marikina Sports Center ang siyang pagdarausan ng opening ce-remony at dito rin paglalabanan ang swimming, sepak takraw, badminton, table tennis, basketball, volleyball, tennis at wushu. (AT)
- Latest