MANILA, Philippines – Naging madali ang pagpasok ni defending champion Johnny Arcilla sa third round, habang nasubukan naman ang tatag ni top seed Patrick John Tierro.
Dinomina ng 34-anyos na si Arcilla si Alberto Villa-mor, 6-0, 6-0 at tinalo ng 29-anyos na si Tierro si Marcen Angelo Gonzales, 6-4, 6-3 sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings kahapon sa PCA indoor shell clay court sa Paco, Manila.
Makakalaban ng eight-time champion na si Arcilla sa third round si Jed Olivarez na sinibak si No. 14 Dheo Talatayod, 6-2, 6-2.
Lalabanan naman ni Tierro, hangad ang korona matapos ang apat na beses na pagiging runner-up sa torneo, sa third round si Bernardine Siso na nagtala ng 7-6 (5), 6-2 panalo laban kay Angelo Esguerra.
Umabante rin sa third round sina 2013 runner-up at third seed Marc Anthony Reyes, fifth pick Rolando Ruel Jr., No. 6 Alberto Lim Jr. at No. 7 Marc Anthony Alcoseba.
Giniba ni Reyes si Bernan Lou Bering, 6-3, 6-0; iginupo ni Ruel si Jigo Pena, 6-4, 6-2; di-naig ni Lim si Fritz Verdad, 6-0, 6-1; at sinibak ni Alcoseba si Rommel Openiano, 6-2, 6-4.
Nanalo rin si Arvin Ruel laban kay Kristian Tesorio, 3-6, 6-4, 6-1.