MANILA, Philippines – Nanatili ang makinang na paglalaro ng Hapee Fresh Fighters habang winakasan ng Racal Motors ang kanilang sunud-sunod na pagkatalo sa magkahiwalay na laro sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Gumawa ng 12 sa kanyang 18 puntos si Bobby Ray Parks Jr. sa first half para suklian ang matibay na depensa ng mga kasamahan upang ibigay sa Fresh Fighters ang 67-52 panalo sa Bread Story-LPU Pirates.
Unang inakala na ang Pirates ang siyang maglalatag ng matibay na depensa dahil ito ang kanilang ginawa nang silatin ang Tanduay Light Rhum Masters sa hu-ling laro pero kabaligtaran ang nangyari para bumaba ang koponan sa 1-3 baraha.
“Game plan namin ay magkaroon ng magandang start at mabuti at nagawa namin ito,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc na nanalo sa ikaapat na dikit na laro.
May 11 puntos pa si Kirk Long habang ang walong iba pang ginamit na players ni Magsanoc ay umiskor din sa laro. Si Angelo Gabayni ang nanguna sa Pirates sa kanyang 14 puntos.
Winakasan naman ng Racal Motors ang tatlong sunod na kabiguan sa pamamagitan ng 74-65 panalo laban sa MP Hotel Warriors sa unang laro.
Lahat na ginamit ng bagong coach na si Caloy Garcia ay nagpakitang-gilas para makapasok na rin sa win-column ang koponan sa 12-koponang liga.
Si Garcia ay kinuha nang magbitiw si coach Jinno Manansala matapos matalo sa naunang tatlong laro.
“Hindi pa nagkakagamayan sa sistema. Hopefully, mas maganda ang ipapakita namin sa susunod na laro,” wika ni Garcia na naipasok ang Hogs Breath Café sa semifinals noong Foundation Cup.
Sina Jeff Viernes at Jam Jamito ay may tig-siyam na puntos habang may tig-anim sina John Ambulodto at Jon Ortuoste sa ikatlong yugto kung saan iniwan nila ang Warriors sa 60-45 iskor. (AT)