RTU nakatabla sa FEU

MANILA, Philippines - Kinapitan ng Rizal Technological University (RTU) Blue Thunders ang panalong nakuha sa first set para pabagsakin ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 36-34, 25-19, 25-22, sa Game Two  ng labanan para sa third place ng mens division sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nagpatuloy ang solidong laro galing kay Abdul Majid Jaidal pero sumuporta sina Carlo Sebastian at Sabtal Abdul para maitabla ang best-of-three series sa 1-1 sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may suporta pa ng Accel at Mikasa.

Si Abdul ay mayroong 15 hits na sinangkapan ng tig-dalawang blocks at aces habang sina Sebastian at Abdul na tumapos taglay ang 13 at 11 puntos ay nagpakawala ng tig-11 kills.

May 16 digs si Kenneth Bayking habang may 41 excellent sets si Alnasil Dulahid para sa Blue Thunders na nabiyayaan pa ng 35 puntos mula sa errors ng Tamaraws.

Sa Nobyembre 11 uli magsasagupa ang dala-wang koponang ito para malaman kung sino ang  third placer.

 

Show comments