MANILA, Philippines - Nagtala ng magkahiwalay na panalo ang mga ABAP mainstays na sina Charly Suarez at Mark Anthony Barriga sa magkahiwalay na venues kamakailan sa unang AIBA Professional Boxing Tournament (APB), ang pinakahuling proyekto ni international federation president Dr. Ching-Kuo Woo.
Inilunsad sa kaagahan ng taon, ang APB ay kukumplimento sa mga matagal nang amateur program ng AIBA at sa World Series of Boxing (WSB) na gagarantiya sa mga top-ranked national boxers ng apat na laban sa isang taon. Walong boxers ang kalahok sa bawat division at dadaan sa elimination process via six rounds, 8-rounder at championship bout na 10 rounds.
Pinabagsak ni Suarez si two-time Olympian at ex-European at world champion Domenico Va-lentino sa fifth round na dahilan para masugatan sa noo ang Italian tungo sa kanyang split decision win sa kanilang 60kg lightweight fight sa Daulet Stadium sa Astana, Kazakhstan.
Dinomina naman ni London Olympian Barriga ang laban kontra kay Leandro Blanc ng Argentina sa 49kg light flyweight sa Guangzhou, China.
Susunod na kalaban ni Suarez, Asian Games silver medallist sa Incheon, Korea si Berik Abdrakhmanov ng Kazakhstan sa Nov. 21 kung saan hangad niyang makabawi sa nalasap na hometown decision loss sa President’s Cup sa Astana noong July kung saan napabagsak na niya ang Kazakhs ng kanyang right hook sa third round pero natalo pa rin siya.
Makakatapat naman ni Barriga si Carlo Quipo ng Ecuador sa kanyang susunod na laban.