MANILA, Philippines - Magkakaroon na ng bagong head coach ang Gilas Pilipinas kasabay ng pagpili sa mga kuku-ning miyembro ng pambansang koponan.
Tuluyan nang sinibak ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan si Chot Reyes bilang mentor ng Nationals matapos ang panukala niyang pagbubuo sa isang screening-selection committee.
Ito ay matapos maki-pagpulong si Pangilinan kay PBA Commissioner Chito Salud at sa PBA Board kahapon.
Gagawa ang nasabing komite ng “short list” ng mga kandidato para sa coaching job sa Gilas Pilipinas na isusumite sa SBP Executive Committee na binubuo ng SBP chairman, president, vice chairman, vice president at executive director.
“The SBP has approved the creation of a committee tasked to select the head coach of the national team and players from the PBA that would form the national pool,” sabi ni Salud.
Gusto ni Pangilinan na magkaroon ng “participative and consultative approach” sa paraan ng pagpili ng bagong head coach at mga miyembro ng national team na isasabak sa siyam na international tournaments sa 2015.
Magkakaroon ng komite na kabibilangan ng SBP Board members na kumakatawan sa UAAP, NCAA, CESAFI, NAASCU at SBP sa pamamagitan ni executive director Sonny Barrios para sa ‘non-PBA players’ national team na ilalaban sa mga torneong tulad ng SEABA at SEAG.
Mga PBA players ang ipanlalaban sa mga elite tournaments gaya ng FIBA Asia Qualifying, World Cup, Asian Games na dadaan sa committee na kabibilangan ng SBP Board members mula sa PBA, PBA D-League at kinatawan ng SBP.