Cebuana magpapakita ng puwersa
MANILA, Philippines – Ipakikita ng nagpa-lakas na Cebuana Lhuillier Gems ang kanilang puwersa sa pagsalang sa aksyon sa PBA D-League Aspirants’ Cup na magbubukas ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kalaro ng Gems ang RACAL Motorsales Corp. sa second game dakong alas-2 ng hapon at pinagsamang beterano at mga kilalang collegiate players ang kinuha sa koponan ni coach David Zamar para makatikim na ng titulo sa 12 koponang liga.
Buwena-manong laro sa triple header ay ang tagisan ng Café France Bakers at expansion team na MP Hotel Warriors sa ganap na ika-12 ng tanghali habang ang nagbabalik na Wangs Basketball at AMA University Titans ang magkikita sa huling laro dakong alas-4.
Ang Bakers ay kinapos lamang ng isang laro para makaabante sa playoff sa huling conference at isa ang koponan sa itinuturing bilang dark horse dahil babalik ang mga sinandalang manlalaro ni coach Edgar Macaraya.
Hindi padadaig ang Warriors na pag-aari ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao na binubuo ng mga manla-larong bihasa sa mga iba’t ibang liga.
‘Di tulad sa mga nagdaang conference na kung saan ang core players ng UE ang puwersa ng Gems, hinugot ngayon sina Allan Mangahas at Kevin Ferrer bukod pa sa mga mahuhusay na collegiate players na sina Norbert Torres at Almond Vosotros para isama sa mga datihang sina Paul Zamar, Marcy Arellano at Kenneth Acibar.
Palaban naman ang Racal Motors na kinuha ang mga malalaking sina Jamil Gabawan, Jessie Saitanan, Reneford Ruaya para isama sa mga kila-lang shooters na sina Jeff Viernes at Jon Ortuouste.
Single round robin ang mangyayari sa elimination round at ang ma-ngungunang dalawang koponan ay papasok na sa semifinals habang ang papangatlo hanggang papang-anim ay magtutuos sa quarterfinals. (AT)
- Latest