Pringle bibinyagan
MANILA, Philippines – Ipaparada ng Batang Pier si No. 1 overall pick Stanley Pringle, habang malalaman kung may pagbabago sa relasyon ni Paul Lee sa kanyang mga kakampi sa Elasto Painters.
Lalabanan ng Globalport ang NLEX nga-yong alas-4:15 ng hapon kasunod ang banggaan ng Rain or Shine at San Miguel Beer sa alas-7 ng gabi sa 2014 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kumpiyansa si head coach Pido Jarencio sa ginawang pagpapalakas ng Batang Pier kung saan ibabandera nila ang tinaguriang ‘three-headed monster’ sa backcourt na sina Pringle, Alex Cabag-not at Terrence Romeo.
“Itong team na ito ngayon, talagang palaban hindi kagaya last season. Lahat ng players dito ay pinili namin at alam na-ming lalaban up to the last second of the game,” sabi ni Jarencio sa Globalport na magpaparada din kina Mark Isip, Ronjay Buenafe, Nonoy Baclao, Keith Jensen, Kelly Nabong at Yancy De Ocampo.
“I’m just gonna go out and be all-out for my team, that’s all,” sabi ng 27-anyos at 6-foot-1 na si Pringle.
Para paghandaan ang Philippine Cup ay nagtungo ang Batang Pier sa Korea kung saan nila kinalaban ang ilang collegiate at club teams.
Itatapat ng Road Warriors, bumili sa prangkisa ng Air21 Express, sina Asi Taulava, Mac Cardona, Niño ‘KG’ Canaleta, Aldrech Ramos, Rico Villa-nueva at Eloy Poligrates.
Sa ikalawang laro, inaasahang patutunayan ni Lee na walang pagbabago sa pakikitungo niya sa mga Rain or Shine players matapos magka-issue dahil sa paghiling niyang ma-trade siya sa ibang team.
Sa halip na lagdaan ang inialok na three-year contract ay isang taon lamang ang pinirmahan ni Lee at ng kanyang agent na si Lawrence Chongson sa Elasto Painters.
Makakatuwang ni Lee para sa Rain or Shine sina Jeff Chan, Gabe Norwood, Ryan Araña, Beau Belga, Jervy Cruz at Raymund Almazan.
Unang laro ito ni Leo Austria, pumalit kay Biboy Ravanes, bilang bagong coach ng Beermen. (RC)
- Latest