BUTUAN City, Philippines – Dinomina ni 2013 MILO Marathon Queen Mary Joy Tabal ang women’s 21-kilometer race sa 38th MILO Marathon qualifying race sa Butuan City.
Nagsumite si Tabal, nagmula sa pagtatala ng bagong record sa 2014 Seoul Race, ng bilis na 01:20:46, isang segundo lamang ang agwat sa bago niyang best personal record na 1:19:37.
Tinalo ng 25-anyos na Cebuana sina Michell Ann Aclo (01:42:30) at Jenefer Paloma (01:44:05) para angkinin ang premyong P10,000.
Idedepensa ni Tabal ang kanyang korona sa MILO National Finals sa Disyembre 7 sa Mall of Asia grounds sa Pasay City.
Nagtala naman si elite runner Gerald Zabala ng bagong personal best time na 01:13:49 para talunin sina Bobby Tadlas (01:14:00) at Ramil Neri (01:15:09).
Kagaya ni Tabal, nakamit din ni Zabala ang premyong P10,000 at tiket para sa 2014 MILO National Finals.
Ang hihiranging MILO Marathon King at Queen ang ipapadala sa 2015 Tokyo Marathon.
Sinabi ng 26-anyos na tubong Cagayan de Oro na si Zabala na ito ang unang pagkakataon na nakamit niya ang titulo sa isang qualifying leg.
Ang mga darating na qualifying races ay sa Cagayan De Oro (Nobyembre 9), General Santos (Nobyembre 16) at sa Davao (Nobyembre 23).