MANILA, Philippines – Inilabas kaagad ng Systema Power Smashers ang kanilang tunay na laro sa unang set pa lamang patungo sa 29-27, 26-24, 25-18 straight sets win laban sa Far Eastern University Tamaraws sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference men’s division sa second round kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Sina Sylvester Hondrade at Salvador Depante ay tumapos taglay ang 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, at siyang nagtrangko sa matibay na depensa lalo na sa unang dalawang sets upang maisulong ang nangungunang karta sa 3-1.
May anim na blocks si Hondrade, habang dalawa ang ginawa ni Depante para ibigay sa Systema ang 10-8 bentahe sa blocks.
Hindi rin nagpadaig ang Active Smashers sa attack points, 40-34, matapos ang tig-siyam na kills nina Christopher Antonio at Angelo Espiritu.
Nagdagdag ng dalawang aces si Hondrade para itulak ang nanalong koponan sa 4-2 kalamangan sa serve department.
Ito ang ikalawang pagtutuos ng dalawang koponan at ang unang tagisan ay nauwi sa five sets at nanaig din ang Systema.
Kinailangang magtrabaho ang Systema sa fourth at fifth sets para maigupo ang hamon ng FEU, 14-25, 25-18, 19-25, 25-9, 15-9, sa unang pagtutuos nila noong Oktubre 7 sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa.
Bitbit ang alaala ng nasabing laro ay nagpokus ang mga bataan ni head coach Arnold Laniog para lumapit sa misyon na makuha ang isa sa dalawang puwesto sa best-of-three championship series.
May 12 digs pa si Rikko Marmeto, habang ang setter na si Manolo Refugia ay may 23 excellent sets para katampukan ang dominasyon kontra sa Tamaraws na bumaba sa 1-3 baraha.