Pacquiao ipaparada ng Kia ngayon; Ginebra sasagupa sa Talk ‘N Text
MANILA, Philippines – Malalaman ngayon kung kaya ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao na sumabak sa hardcourt mula sa boxing ring.
Pamumunuan ni Pacquiao ang kanyang Kia Motors sa pagharap sa Blackwater ngayong alas-3 ng hapon sa pagsisimula ng 2014 PBA Philippine Cup sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sa ikalawang laro sa alas-5:15 ay magtatapat ang Barangay Ginebra at ang Talk ‘N Text.
Ang 5-foot-6 na si Pacquiao ang playing coach ng Sorentos at inaasahang maglalaro ng ilang minuto para sa kanyang debut game sa pro league.
Kasalukuyang pinaghahandaan ni Pacquiao ang kanyang pagdedepensa sa suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay American challenger Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Matapos ang kanilang laro ng Elite ay kaagad na babalik si Pacquiao sa General Santos City para ipagpatuloy ang kanilang ensayo ni chief trainer Freddie Roach.
Si assistant coach Glenn Capacio ang makakatulong sa bench ng Sarangani Congressman.
Ipaparada ng Sorentos sina dating PBA top draft pick and Rookie of the Year Rich Alvarez, Hans Thiele, LA Revilla, Richard Alonzo, Rudy Lingganay, Reil Cervantes at Michael Burtscher.
Sinabi naman ni Blackwater mentor Leo Isaac na gagamitin niya ang kanyang natutuhang ‘never-say-die’ spirit kay Robert Jaworski, Sr.
Tinalo ng Elite ang Sorentos, 88-77, sa kanilang tune-up game. (RC)
- Latest