Training center sa Clark, pasado kay Garcia
MANILA, Philippines - Pasado kay PSC chairman Ricardo Garcia ang lugar na balak pagtayuan ng makabangong training center para sa pambansang atleta.
Tinungo ni Garcia ang lugar sa Clark na malapit sa NLEX at nagustuhan niya ang kanyang nakita.
“Tahimik, maraming puno at ideal talaga sa mga atleta para magsanay. Ito ay isang 50-hectares lupa na sobra sobra na sa ating kailangan,” wika ni Garcia.
Pinatatrabaho na agad ni Garcia ang pagtukoy kung anong mga pasilidad na puwedeng itayo rito at kung magkano ang pondong kailangang gastusin.
Sa tantiya ni Garcia, kakain ng P3 hanggang P4 bilyon ang balak na training center na kakikitaan ng athletics, swimming pool, archery, shooting at isa pang sport lalo na iyong mga priority sports ng PSC.
Ang perang balak pagkuhanan para ipondo sa pagpapatayo ng training center ay magmumula sa pinagbentahan ng Rizal Memorial Sports Complex.
Kung hindi ito mangyari, handa ang PSC na lumapit sa private sector para alukin na ang mga ito ang tumulong sa pagpapatayo kapalit ng paglalagay ng kanilang mga pangalan sa bubuuing pasilidad.
“Open kami sa idea na lumapit sa private sector at tawaging PLDT athletics o Smart swimming pool ang facility na tinulu-ngang itayo galing sa mga kumpanya. Ang mahalaga ay magtulungan sana lahat para maitayo na ito sa lalong madaling panahon,” sabi pa ng PSC official.
Nasa 250 hanggang 300 atleta ang puwedeng magsanay sa lugar at doon din sila titira. (AT)
- Latest