V-League, PSL pinag-ayos ng PVF

MANILA, Philippines - Napatunayan muli na madadaan ang lahat ng problema sa maayos na pag-uusap.

Makakalaro na ang mga guest players sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference nang mamagitan ang Philippine Volleyball Federation (PVF) sa kaunting problema ng Sports Vision at Sports Core na  nagpapatakbo sa Philippine Superliga.

Matatandaan na hindi nagagamit ng Cagayan Valley Lady Rising Suns, PLDT Home Telpad Turbo Boosters at Meralco Power Spikers ang mga import na kinuha dahil sa Internatio-nal Transfer Certificates na ipinaiiral ng FIVB.

“Nagkaroon kami ng pagpupulong noong Huwebes at napag-ayos na namin ang V-League at PSL. Ang role naman ng PVF ay tumulong na maayos ang problema ng volleyball sa bansa at ginawa namin ito at tinutulungan ang V-League para maayos ang ITC,” ani PVF secretary-gene-ral Rustico Camangian.

Ang pagbibigay ng go-signal sa mga dayuhan players ay magpapaganda sa tagisan sa kababaihan lalo pa’t patuloy ang dominasyon ng Army Lady Troopers nang kunin ang  ikatlong sunod na panalo sa Turbo Boosters, 29-31, 25-19, 25-16, 25-18  noong Huwebes ng gabi sa The Arena sa San  Juan City.

Ang 6’2” na si Dindin Santiago ay mayroong 19 hits, kasama ang apat na blocks habang ang Open Conference MVP Jovelyn Gonzaga, Carmina Aganon at Mary Jean Balse ay may 17, 14 at 10 puntos para tumibay ang paghahabol ng Army ng isa sa dalawang puwesto na aabante sa Finals sa ligang handog ng Shakey’s.

May 11 puntos si Sue Roces para sa PLDT na lumasap ng ikalawang pagkatalo sa tatlong laro.

“By Sunday, the imports are ready to play,” ani tournament commissioner Tony Boy Liao. (AT)

Show comments