Wala nang dahilan para hindi tayo umangat

Kung  maisasabatas, magandang balita para sa sports  ang isinusulong ni Pampanga Congressman Yeng Guiao na palakihin ang pondong nakukuha ng Philippine Sports Commission (PSC) para mapangalagaan ng husto ang ating mga atleta.

Madalas nga naman kasi, ang idinadahilan ay ang kakulangan sa pondong pantustos sa pagsasanay ng mga atleta at sa kung anu-ano pang gastusin.

Sa ngayon kasi, maliit lang ang tinatanggap ng PSC mula sa kita ng Philippine Games and Amusement Corporation. (PAGCOR).

Sinasabing ang 5% na dapat makuha ng PSC mula sa PAGCOR na  ayon sa batas, ay hindi  nangyayari dahil 2.5% lamang ang kanilang natatanggap.

Pero hindi lang naman talaga pera ang dahilan… maraming factor pa ‘yan.

Hindi lang ang naging pagtatapos ng Phl Team sa Asian Games sa Incheon ang dapat tingnan kungdi ang sports sa kabuuan ang dapat pag-aralan.

Kailangan ng kongkretong assessment at evalua-tion para malaman kung ano ang mali sa sistemang umiiral para mabago ito upang maiangat ang estado ng sports sa kabuuan.

Kung magkakaroon ng kongkretong programa at kung may pondong pangsustini nito, wala nang dahilan para hindi gumaling ang mga atleta natin.

Nauungusan na tayo ng ating mga karatig na bansa tulad ng Myanmar.

Bagama’t 5 lang ang naiuwi nilang medalya mula sa Asian Games, dalawa rito ay gold medal.

Bumaba na rin ang nagiging performance natin sa Southeast Asian Games.

Naungusan na tayo ng Vietnam sa SEA Games.

Puwede sigurong pag-aralan natin ang sports program ng ibang bansa  at tingnan kung ano ang puwede nating pulutin at gawin dito sa atin.

Show comments