Jersey nina Codiñera at Evangelista ire-retire
MANILA, Philippines - Pagkatapos ni Alvin Patrimonio, sina Jerry Codiñera at Rey Evangelista naman ang pararangalan ng Purefoods/San Mig Coffee sa isang jersey retirement ceremony sa Nobyembre 9 sa Smart Araneta Coliseum.
Gagawin ang naturang seremonya bago ang laro ng Mixers kontra sa Barangay Ginebra Kings.
“This is to express our gratitude, appreciation and recognition to their great contribution to our franchise,” sabi ni San Mig Coffee top official Rene Pardo sa seremonya kung saan ireretiro ang No. 44 jersey ni Codiñera at ang No. 7 jersey ni Evangelista.
Sina Codiñera, naglaro sa unang 11 ng kanyang 17-year PBA career sa koponan at si Evangelista, isang Purefoods player sa kabuuan ng kanyang 14-year pro career, ang ikalawa at ikatlong player na gagawaran ng parangal ng Purefoods/San Miguel Food franchise matapos si Patrimonio.
“Actually, we’ve not allowed anybody to wear Codiñera’s jersey number. As for Rey’s jersey number, the last to wear that was JC Intal,” wika pa ni Pardo.
“Rey was a Purefoods player through and through. Si Gerry, he was crying when we traded him. Galit sa akin ang mga tao noon for the trade,” dagdag nito.
Si Codiñera, miyembro ng original na Purefoods team noong 1988, ay tumulong sa siyam na PBA championships ng tropa noong 1990 hanggang 1997. Tatlong beses nakapasok ang 6-foot-6 center mula sa University of the East sa Mythical First Team at limang ulit sa Mythical Second Team.
Dalawang beses din siyang hinirang na Best Player of the Conference at kumandidato sa season MVP award.
Natulungan naman ni Evangelista ang Purefoods sa limang korona. Ang dating Santo Tomas stalwart ay tatlong beses nagawaran ng Sportsmanship Award at tatlong ulit napabilang sa All-Defensive Team at nakapanalo ng Best Player of the Conference noong 2002 Governors’ Cup.
Noong 1994 ay kinuha sina Codiñera, Evangelista, Patrimonio at Johnny Abarrientos para tulungan ang San Miguel Beer team sa Asian Games sa Hiroshima.
- Latest