Meralco gustong makatikim ng panalo
MANILA, Philippines - Bigyan ang koponan ng kanilang unang panalo ang pagtatangkaan uli ng Meralco Power Spikers at FEU Tamaraws sa pagpapatuloy ngayon ng Shakey’s V-League Season11 Foreign Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.
Unang sasalang ang Tamaraws laban sa Rizal Technological University Blue Thunder sa ganap na ika-4 ng hapon sa men’s division bago huma-lili ang Power Spikers kontra sa PLDT Home Telpad Turbo Boosters dakong alas-6 ng gabi sa women’s side.
Lumuhod ang Far Eastern U sa Systema Active Smashers sa limang sets noong Martes, 25-14, 18-25, 25-19, 9-25, 9-15 para okupahan ng huli ang ikalawang puwesto sa 1-1 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Ang karanasang nakuha ng Tamaraws sa huling laro ay magagamit nila para higitan ang sabik na magpasiklab na Blue Thunder na kung mananalo ay makakasalo sa liderato ang pahingang IEM Volley Masters sa 1-0 karta.
Dumapa rin ang Power Spikers sa matatag na Army Lady Troopers, 19-25, 18-25, 18-25 sa unang laro kaya’t tiyak na pursigido sina Abby Maraño, Maica Morada, Maureen Penetrante-Ouano, Stephanie Mercado at Japanese setter Misao Tanyama na makabalikwas agad.
Ang isang guest player ng Meralco na si Wanida Kotruang ay hindi pa tiyak kung makakalaro dahil hindi pa niya naibibigay ang International Transfer Certificates na kailangan ng mga imports base sa FIVB rules.
Handa rin ang Turbo Boosters na maisantabi ang lakas ng Power Spikers para kunin ang ikalawang puwesto sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Sasandal ang tropa ni coach Roger Gorayeb sa mga beteranong sina Sue Roces, Angela Benting, Laurence Ann Latigay, Maruja Banaticla, Ryzabelle Devanadera at Rubie De Leon.
Sa ngayon ay nagsosolo ang Lady Troopers sa unang puwesto tangan ang 2-0 karta matapos pabagsakin din ang Cagayan Valley Lady Rising Suns, 17-25, 25-17, 17-25, 25-21, 15-13, noong Martes ng gabi. (AT)
- Latest