MANILA, Philippines - Kung ang nominasyon ng mga kabayo ang pagbabasehan, tiyak na magiging mainitan ang bakbakan sa gaganaping Juvenile Fillies at Colts Stakes race sa Oktubre 18 at 19 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
May 15 kabayo, kasama ang dalawang coupled entries ang nominado para sa Fillies habang 12 naman, tampok din ang dalawang coupled bet sa colts na magpapasigla sa pagtutuos ng mga edad dalawang taong gulang na mga kabayo.
Suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom), ito ang unang pagkakataon matapos ang tatlong yugto na maghihiwalay ng dibisyon ang mga fillies at colts na paglalabanan sa 1,400-metro distansya.
Ang naunang dalawang leg ay kinatampukan ng pagsasama ng mga fillies at colts at ang mga kabayong Princess Ella at Cat Express ang mga nanalo sa mga karerang pinaglabanan sa 1,000m at 1,200m na ginawa sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite at Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Tatakbo uli ang Princess Ella sa fillies at susukatin siya ng mga kabayong Azarengka, Bungangera, coupled entries na Burbank at Hook Shot at Dolce Balerina bukod pa sa Valeridge, Enchanted, Epic, Imcoming Imcoming, Leona Lolita, Pag-ukolbubukol, Princess Meili, Pusang Gala at Shout For Joy.
Kasali sa colts ang Cat Express at mapapalaban ito sa Alakdan, Iconic, Jebel Ali, Karangalan, coupled entries Dixie Storm at Sky Hook, Cherokee, Spicy Time, Themanwhoneverlied at stable mates Mr. Minister at The Scheduler.
Dahil mahaba ang karera, nagbibigay ito ng katiyakan na ang mga kasali ay pawang palaban para sa kampeonato at maibulsa ang pinaglalabanang P600,000.00 mula sa P1 milyong premyo na isinahog ng Philracom sa bawat karera.
Magkakaroon pa ng isang leg ang karera sa Nobyembre 15 at 16 sa Santa Ana Park at ito ay sa mas mahabang 1,600-metro distansya.
Ang mga mahuhusay na two-year old horses ay magkikita-kita uli sa Disyembre 28 sa Naic para sa Philracom Juvenile Championship.
Ang lalabas na mahuhusay na kabayo sa kategoryang ito ang siyang sisipatin para sa premyadong 2015 Triple Crown Championship. (AT)