MANILA, Philippines - Hindi pinahintulutan ng National University Bulldogs na matapos agad ang paghahabol sa ikalawang titulo sa UAAP men’s basketball nang iuwi ang 62-47 panalo laban sa FEU Tamaraws sa Game Two kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Lumabas uli ang ipinagmamalaking depensa ng Bulldogs nang limitahan ang Tamaraws sa pinakamababang iskor sa liga mula noong 2003 habang bumangon din si Troy Rosario sa masamang ipinakita sa Game One para magtabla ang dalawang koponan sa 1-1 sa kanilang best-of-three series.
Ang rubbermatch ay gagawin sa susunod na Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum din at nakataya sa NU ang kauna-unahang kampeonato matapos magwagi noon pang 1954 habang ika-20th kampeonato ang balak tuhugin ng Tamaraws.
Umabot sa record crowd sa taon na 24,896 ang nanood sa laro at ang Bulldogs ang tunay na kinakitaan ng ibayong sigla dahil isang beses lamang nakatikim ng kalamangan ang Tamaraws na nangyari sa 2-0 iskor.
“We felt in our last game we didn’t do a good job defensively. We allowed them to score 70 and every time they score 70 they win the game. So, we really focused on going back to our fundamentals, going back to our discipline in terms of our defense,” wika ni NU coach Eric Altamirano.
Si Rosario ang bumalikat sa opensa at depensa ng koponan matapos ang 19 puntos at 14 rebounds. Gumawa si Rosario ng 15 puntos sa first half habang may siyam na offensive rebounds siya para tulungan ang NU sa 27-15 bentahe sa nasabing departamento.
Si Alfred Aroga ay may 13 rebounds pa tungo sa 58-39 kalamangan sa boards.
“Sa aming mga seniors ito ang start ng finals namin. Ayaw ko na matapos na ang paglalaro ko sa UAAP kaya ginawa ko lang ang puwede kong gawin para makatulong sa team,” wika ni Rosario na nasa huling taon ng pag-lalaro sa koponan.
Malaking papel din ang ibinigay ni Gelo Alolino na may 12 puntos. (AT)
NU 62 – Rosario 19, Khobuntin 17, Alolino 12, Aroga 7, Diputado 2, Alejandro 2, Neypes 2, Javelona 1, Betayene 0, Perez 0.
FEU 47 – Belo 17, Tolomia 15, Iñigo 7, Pogoy 4, Jose 2, Cruz 2, Hargrove 0, Dennison 0, Tamsi 0, Escoto Ru 0, Denila 0, Lee Yu 0, Ugsang 0, Escoto Ri 0, David 0.
Quarterscores: 18-6, 26-18, 43-30, 62-47.