MANILA, Philippines – Sulit ang priority sports program ng Philippine Sports Commission (PSC) matapos manalo ng medalya ang mga sports na kasama sa programa sa katatapos na Asian Games sa Incheon, Korea.
Nakapaghatid ang 150-national athletes ng isang ginto, tatlong pilak at 11 bronze medals at ang mga atleta ng boxing, taekwondo, wushu at archery na kasama sa programang ipinairal dalawang taon na ang nakalipas, ay kumulekta ng 13 medalya.
“We will continue the program. We have to continue with the program, kahit ayaw ng mga NSAs. We have to invest sa tamang sports, sa tamang atleta,” wika ni Asian Games Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Garcia nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Noong Linggo bumalik ng Pilipinas si Garcia at nagsalita siya sa priority sports program matapos ihayag uli ng Malacañang na dapat ay tumutok lamang sa mga larong puwedeng manalo ang mga atletang Pilipino.
May nakatakdang pagpupulong kahapon sina Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. para simulan ang assessment sa kinalabasan ng kampanya ng Phl Team na ikatlong pinakamasamang medal output ng bansa mula nang itatag ang Asiad noong 1951.
Sampung sports ang naunang isinama sa priority list at ang mga atleta rito ay nabibigyan ng mas ma-laking allowances bukod sa dagdag suporta para sa kanilang pagsasanay.
Ngunit dalawang sports na ang inalis at ito ay ang swimming at weightlifting. Ang swimming ay natanggal matapos ang Myanmar SEA Games dahil sa kawalan ng performance habang ang weightlifting ay inalis matapos ang Incheon dahil lumabas na overweight ang nag-iisang lifter ng Pilipinas na si Nestor Colonia isang araw bago ang kompetisyon.
Dahil nawala sa kondisyon na isinisi sa kapabayaan ng coach at tiyuhing si Greg Colonia, walang naitalang marka ang nakababatang Colonia sa men’s 56kg.
“Other sports in the list might suffer the same consequences because they have not delivered. We have given them the needed support and enough time to perform for the past two years. Pasensya na lang ibang sports if they had not delivered, they have to look for private sponsor,” dagdag ni Garcia.
Ngayong tapos na ang Asiad, ang pagtutuunan na ng bansa ay ang SEA Games sa Singapore sa 2015 at malaking hamon ang haharapin ng mga sports officials dahil tumapos lamang ang bansa sa ikapitong puwesto sa hanay ng mga SEA countries sa Asian Games.
Gagawin ang laro mula Hunyo 5 hanggang 16 at ang walong buwan ay sapat na panahon para makahubog ng mga panlaban. Pero dapat ay tiyakin na pokus ang lahat sa iisang layunin-- ang makapasok sa top four sa overall ang pambansang koponan.
“We ranked seventh in Incheon at natalo pa tayo sa Myanmar. We can’t accept this. We have to focus and really push for a better performance at least number three or number four to be more realistic,” ani Garcia. (AT)