INCHEON, South Korea – Malayo sa inasahang gold medal ang magiging pagtatapos ng Gilas Pilipinas Asian Games men’s basketball.
Patuloy sa paglasap ng dagok ang Gilas nang matalo sa China, 78-71 sa consolation round kahapon sa Hwaseoung Sports Complex Gymnasium dito.
Humataw si Liu Xiaoyu ng 16 puntos para pangunahan ang limang manlalaro ng batang team ng China.
Nagpakalayu-layo ang napatalsik na defending champion na China ng hanggang 19 puntos bago ipinagpag ang paghahabol ng tropa ni coach Chot Reyes na gumamit lamang ng 10 manlalaro dahil sina Jimmy Alapag at Marc Pingris ay hindi na nakapag-laro bunga ng injuries.
Hanggang seventh place na lang ang pinakamataas na kalalagyan ng Gilas dahil sa pagkatalo.
Kalaban ng Gilas bukas ang Mongolia na natalo sa Qatar, 78-87.
Si Marcus Douthit ay tumapos ng 24 puntos sa 10-of-16 shooting, habang si Ranidel de Ocampo ay may 14, kasama ang dalawang triples.
Huling dikit ng Pilipinas ay sa 66-70 sa lay-up ni Douthit at 3-pointer ni LA Tenorio pero tumugon si Xiaoyu ng dalawang free throws at isang tres para tulungan ang China na ibalik ang kalamangan sa 12, 78-66. (BRM)