Rambulan sa tune-up game ng Rain or Shine at NLEX
MANILA, Philippines - Nahinto ang laro ng Rain or Shine at NLEX matapos magsuntukan sina Elasto Painters’ guard Ryan Araña at Road Warriors’ center Rico Villanueva sa Meralco Gym sa Pasig City kahapon.
Isang hard foul ang ibinigay ng 6-foot-6 na si Villanueva sa pagsalaksak sa basket ng 6’1 na si Araña.
Binato ni Araña, naging pambato ng La Salle, ng bola si Villanueva, dating Ateneo Blue Eagle. Nagtayuan sa kani-kanilang bench ang mga players ng Rain or Shine at NLEX para awatin ang parehong nasa sahig na sina Araña at Villanueva.
Tangan ng Elasto Painters ang 23-22 abante laban sa Road Warrors sa first period ng kanilang tune-up game nang mangyari ang gulo pero kaagad ipinatigil ng isang PBA official ang naturang laro.
Bago naman umalis ng venue sina Araña at Villanueva ay kinausap muna sila ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao.
Si Guiao ay dating mentor ni Villanueva sa Barako Bull kung saan nakipag-away din ito kay dating La Salle player Joseph Yeo sa parking lot ng Smart Araneta Coliseum ilang taon na ang nakararaan.
Samantala, inaasahang mapaplantsa ang pagdadala ng Elasto Painters kay rookie guard Kevin Alas bilang kapalit ng 2015 first round pick ng Road Warriors matapos magbago ng isip ang Rain or Shine sa pakikipagpalit kay Niño ‘KG’ Canaleta ng Talk ‘N Text. (RC)
- Latest