MANILA, Philippines – Sinuwerte pa ang Perpetual Help Altas nang naisalba ang papatalong laro sa 76-75 panalo laban sa four-time defending champion San Beda Red Lions sa pagbabalik kahapon ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang ikasiyam na panalo sa 15 laro ng Altas na nagpanatiling matibay sa paghahabol ng puwesto sa Final Four dahil napag-iiwanan lamang sila ng kalahating laro ng Jose Rizal University Heavy Bombers at St. Benilde Blazers na nasa mahalagang ikatlo at apat na puwesto sa magkatulad na 9-5 baraha.
Si Harold Arboleda ang tumayong bida sa Altas nang nahiritan ng foul si Arthur dela Cruz habang bumubuslo ng 3-pointer sa huling 0.2 segundo.
Dalawa ang kanyang naipasok para balewalain ang pakawala ng 14 puntos kalamangan sa huling yugto at umangat sa 9-6 baraha.
Iprinotesta ng San Beda ang resulta ng laro dahil umano sa isang 24-second violation sa ikatlong yugto ng Altas na hindi itinawag ng mga referees.
“Hindi ko inasahan na mananalo pa kami. Pero lumaban hanggang sa huli ang mga bata,” ani Altas coach Aric del Rosario.
May 20 puntos at 16 boards si Ola Adeogun para sa Lions na nakitang natapos ang anim na sunod na panalo para maudlot ang planong paghablot ng isa sa unang dalawang puwesto at ang mahalagang twice-to-beat advantage.
Hindi naman natapos ang no-bearing game sa pagitan ng talsik ng koponan na Emilio Aguinaldo College Generals at Mapua Cardinals dahil sa free-for-all sa huling 28.5 segundo ng laro.
Nagkagulo nang suntukin ni John Tayongtong ng Generals si Carlos Isit ng Cardinals matapos ang palitan ng tulakan upang magsuguran ang manlalaro ng magkabilang kampo.
Nang napahupa ang tensyon, lumabas na lahat ng manlalaro ng Mapua at EAC naliban kina Cardinals center Jessie Saitanan at Generals rookie Joshua General ang pumasok sa court para awtomatikong mapatalsik sa laro. (AT)