Incheon, South Korea – Itinaas ng tamba-lang Edgar Ilas at Nestor Cordova ang kampanya ng Pilipinas matapos umentra sa finals ng lightweight men’s double sculls sa rowing event sa pagpapatuloy ng Asian Games na idinaos sa Chougju Tangeum Lake Rowing Center kahapon dito.
Nagsanib-puwersa sina Ilas at Cordova sa pagkampay ng tiyempong 1:35.93 sa 500m; 3:16.58 sa 1,000m; 4:58.77 sa 1,500m at 6:40.95 sa 2,000m para sa unang puwesto na nagbigay sa Pinoy rowers ng tiket sa finals matapos ang repechage.
Tinalo nina Ilas at Cordova ang karibal na sina Inlee Pomtawat at Saensuk Jeruwat ng Thailand na umokopa sa ikalawang puwesto at pasok din sa finals.
Bukod sa Thais, makakalaban din nina Ilas at Cordova ang apat pang qualifyers na nauna nang umentra sa finals.
Hawak ng Republic of South Africa ang world record sa nasabing event na 6:05.36.
Ang tagumpay nina Ilas at Cordova ay nabahiran ng lungkot nang masibak si Benjamin Tolentino sa lightweight men’s single sculls na dinomina ni Aghel Habibian ng Iran sa tiyempong 7:17.30 sa repechage din.