MANILA, Philippines – Ipinakikita na ni Prince Caperal ang larong inaasahan sa kanya ng Arellano Chiefs para tumibay ang hangaring makaabot ng Final Four sa NCAA sa unang pagkakataon.
Nakapag-adjust na ang 6’4” forward-center sa istilo ng laro na ipinaiiral ng bagong coach na si Jerry Codiñera upang sa huling dalawang laro ng Chiefs ay tumapos siya sa double-digits.
Sa laro kontra sa Emilio Aguinaldo College Generals, ang 21-anyos at naging 17th pick sa PBA Draft ay naghatid ng 18 puntos, mula sa 9-of-11 shooting, bukod sa limang rebounds para panguna-han ang koponan sa 105-88 tagumpay.
Ito ang ika-11 panalo sa 14 laro upang lumapit pa sa semis slot at ang magandang ipinakita ni Caperal ang nagresulta para siya ang gawaran ng ACCEL Quantum-3XVI NCAA Press Corps Player of the Week citation.
Tinalo niya sa lingguhang parangal na may ayuda pa ng Bactigel hand sanitizer, Doctor J Mighty Alcohol at Mighty Mom Dishwashing si Arthur dela Cruz ng San Beda Red Lions.
Inamin ni Caperal na naapektuhan ang kanyang laro sa limitadong playing time pero inalis niya ang bagay na ito sa kanyang isipan noong nagtala ng two-game losing streak ang Chiefs.
“Sabi ko kailangan may gawin na akong paraan para makatulong. Hindi na tama ‘yung ganito at kailangang mag-step up na ako,” pahayag ni Caperal na siyang team captain ng Arellano at nasa huling taon ng pag-lalaro sa liga.
Ngayong may liwanag ang pagtapak sa Final Four ng Chiefs, asahan na may ilalabas pa si Caperal para makasama sa makasaysayang pagtatapos ng koponan sa liga.