INCHEON, South Korea – Kung magkakataon, magbibigay ng dahilan ang mga sanda artist na magdiwang ang mga Pinoy.
Magtatangka ang mga sanda artists na sina Jean Claude Saclag, Francisco Solis at Divine Wally na bigyan na ng medalya ang Pilipinas na nagbabalak na higitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze medals na naiuwi mula sa Guangzhou Asiad, China noong 2010.
Nasa quarterfinals na ang tatlong manlalaro ng Pilipinas at katunggali ni Saclag si Hendrik Tarigan ng Indonesia sa men’s -60kg., si Solis ay mapapalaban kay Ting Hong Wong ng Hong Kong sa men’s -56kg. at si Wally ay makikipagtuos kay Kim Hyebin ng Korea.
Kung papalarin ang nabanggit na wushu experts, sila ay papasok na sa semifinals at makatiyak na ng medalya.
Galing si Saclag sa 2-0 panalo kay Lin Tun Kyaw sa unang laban at sasandalan din niya ang karanasang nakuha noong naka-bronze medals sa 2013 World Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia kontra kay Tarigan na pinagpahinga si Helal Ali Mohammed Alhajj ng Yemen.
Si Solis ay umani rin ng 2-0 panalo kay Ur Reh-mans Shams ng Pakistan habang si Wong ay may ganito ring iskor nang dinispatsa si Lee Wei Loong ng Malaysia.
Galing naman si Wally sa 2-0 pananaig kay Ho pero mapapalaban siya kay Kim na bukod sa pambato ng host country ay nag-bye rin sa first round at sariwang haharap sa Filipina sanda player. (BRM)