MANILA, Philippines - Matapos ihayag na may tsansang maitakda ang kanilang super fight ni Manny Pacquiao, may panibagong kondisyon na naman si Floyd Mayweather, Jr.
Sa panayam ng ESPN UK, sinabi ng 37-anyos na si Mayweather na kung mangyayari ang kanilang upakan ng 35-anyos na si Pacquiao sa susunod na taon, ito ay dapat hawakan ng Showtime.
“If the Pacquiao fight does happen, it has to happen on Showtime pay-per-view only and Mayweather Promotions have to do the fight,” wika ni Mayweather.
Ang world eight-division champion na si Pacquiao ay nasa bakuran ng HBO network, samantalang ang five-division titlist namang si Mayweather ay nasa grupo ng Showtime network.
Nauna nang sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na payag ang dalawang magkaribal na networks na magkasundo para maitakda ang Pacquiao-Mayweather mega bout sa 2015.
Noong 2002 ay nagtuwang ang HBO at ang Showtime para maidaos ang banggaan nina heavweight champions Mike Tyson at Lennox Lewis.
Muling tinalo ni Mayweather sa ikalawang pagkakataon si challenger Marcus Maidana ng Argentina sa kanilang rematch noong nakaraang Linggo, habang nakatakda namang labanan ni Pacquiao si American Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Samantala, naniniwala naman si dating two-time world champion Amir Khan na kaya nilang talunin ni Pacquiao si Mayweather.
“I feel he should think about fighting someone quick and explosive, someone who has a higher work rate,” sabi ni Khan sa panayam ng Boxing Scene. (RC)