Holyfield hinamon si Floyd na labanan si Manny

MANILA, Philippines - Hinamon ni dating world heavyweight champion Evander Holyfield si Floyd Mayweather Jr. na labanan si Manny Pacquiao na aniya ay matagal na dapat nangyari.

Binalaan ni Holyfield, nakilala sa mga laban niya kina Mike Tyson at Lennox Lewis sa panahon ng pamamayagpag ng heavyweight division, si Mayweather na kung hindi niya lalabanan si Pacquiao ay magkakaroon ng malaking katanungan sa kanyang ‘legacy’.

“If Floyd retires without doing the super fight with Manny Pacquiao then I wouldn’t think of him as a champion. Champions accept any fight put in front of them. But if Mayweather does the fight – win or lose – he will be an all time great and a true champion in my book,” pahayag ni Holyfield sa kanyang Facebook post na iniulat ni Scoop Malinowski ng ringobserver.com.

Nagparamdam si Mayweather na maaaring mangyari ang nasabing megabout matapos ideklarang bukas siya sa pakikipagsagupa kay Pacquiao na inaasa-hang magiging pinakamalaki sa boxing history.

Tatlong beses bumagsak ang negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather super fight dahil sa isyu sa hatian sa premyo at pagsailalim sa drug at blood testing bago ang laban.

Muling tinalo ng undefeated American si Argentine challenger Marcos Maidana sa kanilang rematch noong nakaraang Linggo at wala nang iba pang dapat patunayan kundi ang harapin ang Filipino icon.

Dalawang laban ang tinitingnan ni Mayweather bago ang kanyang pagreretiro. Umaasa naman si Holyfield na ang isa rito ay kontra kay Pacquiao.

“And I am sure he (Mayweather) would have all the respect from all boxing fans around the world. And he would silence all the critics,” wika ni Holyfield.

 

Show comments