Mapapanood ang laban ng Gilas sa TV5

MANILA, Philippines - Mapapanood ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2014 FIBA World Cup sa Spain simula ngayong gabi sa TV5 ng live.

Bilang panimula ng free-TV Live coverage ng Gilas Pilipinas games, mapapanood ang laban ng Phl Team ni coach Chot Reyes kontra sa Croatia sa alas-6:30 ng gabi (Manila time).

Isusunod ang kanilang laban sa Greece sa Lunes sa alas-2:00 ng madaling araw at kontra sa Argentina sa alas-11:30 ng gabi.

Haharapin ng Gilas Pilipinas ang Puerto Rico sa Miyerkules sa alas-7:30 ng gabi at ang kanilang huling preliminary round assignment ay kontra sa Senegal sa Huwebes sa alas-8:00 ng gabi.

Sisimulan ng TV5 ang coverage, 30 minutes bago ang bawat tip-off sa  Sports5 Center Gilas Edition sa Manila. Ang Sports5 team sa Spain ay kinabibilangan nina Magoo Marjoon at Quinito Henson na magbibigay ng play-by-play at commentaries ng mga laro.

Ipapalabas din ng TV5 ang mga piling laro ng Spanish national team ng live bukod pa sa primetime replay ng games ng United States.

Ang replay ng 2014 FIBA World Cup games ay mapapanood sa AksyonTV (sa UHF free TV Channel 41 sa Metro Manila, Channel 29 sa Metro Cebu at Metro Davao), sa cable Channel 59 sa SkyCable, Channel 78 sa Destiny Cable at Channel 1 sa Cignal Digital TV.

Show comments