MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang itinatakbo ng kabayong Urgent nang manalo sa karerang sinalihan noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Jaw Saulog ang sumakay sa kabayo sa ikalawang sunod na takbo sa buwan ng Agosto at tulad sa mga nakaraang tatlong panalo ay banderang-tapos ang ginawa sa 1,300-metro, class division 2 karera.
Ang Specialist na ginabayan ni EG Reyes Jr. at second choice sa karera at ang nadehado pang Jacklyn’s Diamond ni Antonio Alcasid Jr. ang mga nagsikap na habulin ang Urgent pero hindi sila umubra dahil buo pa rin na dumating ang nagwaging kabayo.
Halos magkakadikit ang benta ng Urgent at Specialist para magbigay pa ng P10.50 ang win habang ang 1-5 forecast ay mayroong P7.00 dibidendo.
Napaganda ang paghugot kay RO Niu Jr. para diskartehan ang Tabelle na nanalo sa class division 1C race sa 1,400-metro distansya.
Si Dominador Borbe Jr. ang siyang hinete ng nagwaging kabayo pero sa pagkakataong ito ay ang Pa Dating ang siya niyang nirendahan.
Agad na inilagay ni Niu ang kabayo sa unahan at napangatawanan ang maagang pagbandera nang kakitaan pa ng lakas sa rekta tungo sa unang panalo sa dalawang takbo sa buwan ng Agosto at ikalawang panalo sa huling tatlong karera.
Ang Alta’s Choice na diniskartehan ni Saulog ang nakaremate para sa ikatlong sunod na pangalawang puwestong pagtatapos.
Pamalit na hinete rin si Saulog sa regular na jockey na si Rodeo Fernandez.
Nagpasok ang win ng Tabelle ng P29.00 habang ang 2-8 forecast ay nagbigay ng P74.00 dibidendo.
Ang lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na nanalo ay ang Low Profile sa special class division race na pinaglabanan sa 1,400-metro distansya. Si Mark Alvarez ang hinete ng Low Profile na nanaig sa Chevrome sa pagdadala ng apprentice jockey AG Avila.
Outstanding ang Low Profile matapos pumangalawa sa ikatlo at huling yugto sa 2014 Philracom Triple Crown Championship para magkaroon lamang ng balik-taya sa win.
Ang 7-13 forecast ay nagbigy ng P15.50 dibidendo. (AT)