MANILA, Philippines - Umasa ang San Beda Red Lions at Arellano Chiefs sa husay ng mga guards na sina Baser Amer at Jiovani Jalalon para maitakas ang panalo sa magkahiwalay na laro sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Amer ay may 15 points at 10 assists at kumamada siya ng pitong krusyal na puntos para itulak ang four-time defending champion na Red Lions sa 86-79 panalo sa San Sebastian Stags.
May 18 puntos at 15 rebounds si Ola Adeogun, habang sina Arthur dela Cruz at Kyle Pascual ay naghatid ng 14 at 12 puntos para ibigay sa San Beda ang 9-2 karta.
Dumikit na sa 69-72, nakawala si Amer tungo sa mahalagang triple para ilayo sa anim ang koponan.
Nasayang naman ang 29 at 23 puntos nina Bradwyn Guinto at Jaymar Perez para sa Stags.
Hindi nagpahuli si Jalalon nang makitaan ng tibay para ibigay sa Chiefs ang 82-79 panalo sa nais manggulat na Mapua Cardinals sa ikalawang laro.
May 18 puntos si Jalalon at walang ibang pinakamalaking buslo kundi ang apat na kinamada sa 15-footline sa huling 12.1 segundo para ibigay sa Arellano ang pinakamaraming panalo sapul nang sumali sa liga.
Ang huling dalawang free throws ang nagsantabi sa 3-pointer ni Carlos Isit na nagdikit sa Cardinals sa 79-80.
Natapos ang laro nang sumablay ang tres ni Hesed Gabo para sa Mapua.
Nanguna para sa Arellano si guard John Pinto sa kanyang 25 puntos.