MANILA, Philippines - Bago ang sinasabing potensyal na No. 1 overall pick na si Stanley Pringle, si Chris Banchero muna ang nagpasikat sa unang araw ng Gatorade PBA Draft Combine kahapon sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong City.
Nanguna ang Fil-American guard sa lahat ng limang kategorya ng skills test sa naturang aktibidad na matatapos nga-yong araw.
Naorasan ang 6-foot-1 guard ng bilis na 8.33 segundo sa lane agility drill, 16.87 segundo sa shuttle run test, 2.91 segundo sa 3/4 court sprint, tumalon ng 33.73 pulgada sa standing vertical leap at 68.32 pulgada sa maximum vertical leap.
Walang sikreto si Banchero, naglaro sa San Miguel Beermen sa nakaraang Asean Basketball League.
“I’ve been working hard ever since I started in the D-League,” wika ni Banchero. “I’ve been focusing on my diet and in my training every day. I’ve been very disciplined and I’ve been looking forward to the PBA, that’s why.”
Ngayong araw naman masusubukan sa skills test si Pringle sa pagtatapos ng aktibidad.
Hinati ang mga draft applicants sa apat na koponan kung saan ang da-lawang grupo ay naglaro sa loob ng 30 minuto.
Sa 44-26 panalo ng Team A laban sa Team B ay umiskor si Rocky Acidre ng 11 points, habang nagdagdag si June-ric Baloria ng 9 markers, 4 rebounds at 3 assists.
Tumapos si Roider Cabrera ng may 11 points mula sa kanyang 3-of-8 shooting sa three-point line para igiya ang Team C sa 36-29 pananaig kontra sa Team D.
Hindi naman natapos ni San Beda forward Rome dela Rosa ang Draft Combine matapos magkaroon ng pulled hamstring habang ginagawa ang mga drills.
Ihahayag ng PBA Commissioner’s Office ang official list matapos ang dalawang araw na aktibidad para sa 2014 Rookie Draft na nakatakda sa Agosto 24 sa Ro-binson’s Place sa Ermita, Manila.