MANILA, Philippines - Nagsalpak ang Gilas Pilipinas ng 12 three-point shots.
Ngunit iniligtas ni NBA player Nicola Batum ang France mula sa kanyang hinugot na 14 points sa second half para sa kanilang 75-68 panalo sa pagsisimula ng 2014 Antibes International Basketball Tournament.
Tumapos si Batum na may 16 points para sa France na hindi nakuha ang serbisyo ni San Antonio Spurs’ point guard Tony Parker dahil sa injury.
Sinamantala ng France ang pag-upo ni 6-foot-11 naturalized center Andray Blatche sa halos kabuuan ng fourth quarter.
Nagkaroon si Blatche, nagtala ng 12 points, ng sprained right ankle sa dulo ng third period, ngunit tatlong minutong nakapaglaro sa pagsisimula ng final canto.
“Nice effort vs France tonight,” sabi ni Gilas Pilipinas’ coach Chot Reyes sa kanyang Twitter account na @coachot. “We need to keep improving and play better against Australia tomorrow.”
Ang France ay No. 8 sa buong mundo at may anim na NBA players sa kanilang koponan.
Samantala, umiskor naman ang Australia ng 75-65 panalo laban sa Ukraine sa nasabing four-nation pocket tournament na preparasyon para sa FIBA World Cup sa Spain.
Nakatakdang labanan ng Nationals ang mga Aussies.