41st World Chess Olympiad Pinay nalo sa Egypt; men’s team bigo uli

MANILA, Philippines - Pinabagsak ng Philippine women’s team ang Egypt, 3-1 upang manati-ling palaban habang nagpatuloy ang kamalasan ng men’s side matapos ang nakapanlulumong 1.5-2.5 pagkatalo sa kamay ng Austria sa ikapitong round ng 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway nitong Sabado ng gabi.

Nagdeliber sina Janelle Mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Catherine Perena ng panalo kontra kina Woman Grandmaster Shrook Wafa, Ayah Moaataz at Sohayla Abdelmenaem sa boards 2-4 ayon sa pagkakasunod upang iangat ang Pinay team sa16-man logjam sa 23rd place.

Tanging si Chardine Cheradee Camacho ang natalo sa mga Pinay nang mabigo kay WGM Khaled Mona sa 58 moves ng Caro-Kann Defense sa top board.

Sunod na makakatapat  ng mga Pinay sa eighth round ang 28th seeded na Mongolians na dumurog sa Paraguay, 3-1 na nagsulong sa koponan sa top 20 patungo sa final four rounds ng 11-round, 14-day biennial meet na ito.

Patuloy naman ang pagdausdos ng men’s team matapos matalo sa Austria dahil sa masaklap na kabiguan ni rookie International Master Paulo Bersamina kay IM Stefan Docx sa 48 moves  ng Torre Attack  sa Board 4.

Sinikap nina GMs Julio Catalino Sadorra, John Paul Gomez at Eugene Torre na maisalba ang kanilang mga losing positions para maka-draw kina GMs Luc Winants at Bart Michiels at IM Tanguy Ringoir sa Board 1, 2 at 3 ayon sa pagkakasunod.

Nalaglag ang mga Pinoy sa 76th-98th  at importanteng manalo sila sa Bangladesh sa round eight  para makatapos sa top 20.

Madaling sabihin pero mahirap gawin lalo pa’t wala sa team sina GMs Wesley So at Oliver Barbosa, na top board players ng Pinas sa nakaraang  Olympiad sa Turkey, dalawang taon na ang nakakaraan.

Tumiwalag na si So at piniling mag-coach ng United States men’s team habang nagkaproblema naman sa visa si Barbosa.

Dahil dito, napuwersa si Sadorra na lumaro sa top board imbes na sa  second o third boards kung saan mas naging produktibo sana siya.

Show comments