UE ‘di mapigilan sa UAAP Jrs. boys volleyball

MANILA, Philippines - Patuloy sa pananalasa ang defending champion University of the East matapos magtala ng magkasunod ng straight sets panalo sa UAAP Season 77 boys volleyball tournament nitong weekend sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Adamson Gym.

Pinaluhod ng Junior Warriors ang National University sa rematch ng championship noong nakaraang season, 25-17, 25-22, 25-11 noong Sabado bago iginupo ang defeated University of Santo Tomas, 25-9, 25-17, 25-22 kahapon upang manatiling walang talo matapos ang limang laro.

Bumawi ang Bullpups sa pagkatalo sa UE sa 21-25, 27-25, 25-22, 27-25 panalo kontra sa Ateneo kahapon upang sumulong sa 4-1 record para sa second place.

Noong Sabado, tinalo ng Tiger Cubs ang  UP Integrated School, 25-9, 25-17, 25-20 habang pinabagsak ng Blue Eaglets ang Far Eastern University-Diliman, 25-12, 25-16, 25-20.  Katabla nila ngayon ang Ateneo sa  third spot sa 3-4.

Sa tanging five-setter match nitong weekend, nalusutan ng Baby Tamaraws ang mabigat na hamon ng La Salle-Zobel, 25-23, 25-21, 23-25, 24-26, 15-9.

Sa girls play, pinabagsak ng NU ang titleholder UST sa kanilang Season 75 finals rematch, 25-19, 25-16, 25-23, noong Sabado upang manatiling malinis matapos ang apat na laro. Tinalo naman ng UE ang UPIS, 25-21, 25-15, 25-14 at pinabagsak ng La Salle-Zobel ang FEU-Diliman, 25-7, 25-15, 25-10.

 

Show comments