MANILA, Philippines - Isama na si SEA Games decathlon champion Jesson Ramil Cid sa mga atleta ng PATAFA na mabibigyan ng corporate sponsor bilang bahagi ng ‘Adopt an Olympian.’
Ipinakilala kahapon ni James Laferty, ang utak ng proyekto na nakatuon sa 2016 Rio Olympics, ang Wong Chu King Foundation na siyang tutulong kay Cid sa loob ng dalawang taon sa hanga-ring makapagbigay ito ng medalya sa Olympics.
Halagang P160,000.00 kada-buwan o kabuuang P3.84 milyon ang ilalabas na tulong pinansyal ng Foundation na tumutulong sa libreng pagpapaaral sa mga kapus-palad na kabataan sa buong bansa.
“Jesson had accepted the conditions laid down to be part of the program. He is the third athlete of PATAFA to join the program,” wika ni Laferty sa pulong pambalitaan kahapon sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City.
Si SEA Games long jump record holder Marestella Torres ang unang kinuha sa programa mismo ni Laferty habang ang asawang si Eleazer Sunang na atleta sa shotput, ay tinutulungan ng Diamon Auto Leasing.
Hangad ni Laferty ang makakuha ng lima hanggang pitong atleta sa programa na sasanayin sa loob ng dalawang taon sa tulong ng mga eksperto sa kanilang laro, sports science at iba pa na ginagamit ng ibang mahuhusay na bansa sa athletics.
Ang inaasahang resulta ng programa ay makapaghatid ng medalya sa Rio Olympics.
“Ito po ay isang oportunidad para sa akin para makasama sa Olympics at hindi ko talaga ito papa-kawalan,” tugon ni Cid na isang two-time MVP sa UAAP habang naglalaro sa FEU. (AT)