MANILA, Philippines - Optimistiko ang Team Manila-Philippines para sa kanilang kampanya sa 2014 World Series Girls Big League Softball Championship sa Sussex, Delaware na magsisimula sa Linggo.
Sinabi kahapon ni Manila Little League Philippines president Rafael `Che’ Borromeo sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate na palagiang title contender ang bansa sa nasabing torneo.
“Consistent tayong placer sa tournament, tapos champion nga tayo nu’ng 2012,” wika ni Borromeo.
Dumalo din sina catcher Roxzell Pearl Niloban, pitcher Mary Ann Antolihao, Cristy Joy Roa at Lovely Dyan Arago, sinamahan sa sesyon na itinataguyod ng Shakey’s, Accel at Philippine Amusement and Gaming Corp (PAGCOR) nina assistant coach Jayson Santos at liason officer Arsenic Lacson.