Kalahati ng premyo ilalaan sa pag-a-abroad ng ka-live in Raquin naghari sa Metro leg ng MILO
MANILA, Philippines - Halos dalawang oras lamang nakatulog si Ireneo Raquin matapos dumating sa Maynila mula sa Baguio City at saglit na nakituloy sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.
Ngunit sa kabila ng humigit-kumulang sa anim na oras na biyahe ay walang anumang naging epekto ito sa 28-anyos na full-time runner.
Nagsumite si Raquin ng oras na 2:31:15 para angkinin ang korona sa 42-kilometer event ng Manila leg sa 38th MILO National Marathon kahapon sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
“Hindi ko akalain na mananalo ako kasi maraming magagaling na kalaban,” wika ni Raquin na inungusan sina Jeson Agravante (2:38:36) at Rafael Poliquit, Jr. (2:44:15) para mapabilang sa National Finals na nakatakda sa Disyembre 7 sa SM Mall of Asia Grounds.
Dalawang tiket para sa 2015 Tokyo Marathon ang nakataya para sa 2014 MILO National Finals.
Kitang-kita ang kasiyahan sa mukha ni Raquin sa kanyang unang panalo sa Manila leg ng pinakamatandang marathon event sa bansa.
Ngunit nang mapag-usapan ang balak ng ka-live in na magtrabaho sa Hong Kong bilang housekeeper ay nangulimlim ang kanyang mukha.
Ayon kay Raquin, kung siya lamang ang masusunod ay ayaw niyang magtrabaho sa ibang bansa ang kanyang kinakasama lalo pa at may limang-buwan silang anak na lalaki.
“Ganoon talaga eh. Kahit ayaw mong mahiwalay sa’yo ang asawa mo, talagang may mga pagkakataong mangyayari ito dahil sa hirap ng buhay ngayon,” sabi ni Raquin, ang pag-ekstra-ekstra lamang sa kanilang barangay ang kanilang ikinabubuhay.
Sinabi ni Raquin na ang higit sa kalahati ng kanyang premyong P50,000 ay ilalaan niya sa placement fee ng kanyang kinakamasa para makapagtrabaho sa Hong Kong.
“Pang-apply niya para sa Hong Kong. Siguro mga P30,000 ang kakailanganin niya sa placement fee,” dagdag pa ng five-footer na long distance runner.
Sa women’s division, nagtala naman si Mary Grace Delos Santos ng bilis na 3:08:18 para kunin ang titulo at ang premyong P50,000.
Inungusan ni Delos Santos sina Jennylyn Nobleza (3:17:43) at Aileen Tolentino (3:33:04).
Ang iba pang nagwagi sa kani-kanilang mga events ay sina Archie Patubo (1:16:36) at Jho-An Banayag (1:30:33) sa 21K; ang mga Kenyans na sina Jackson Chirchir (00:32:38) at Irene Kipchumba (00:39:35) sa 10K; sina Michael Icao (00:16:52) at Vilma Santa Ana (00:20:42) sa 5K; at si George Tan (00:11:18) at ang 8-anyos na si Rishane Ashira Abellar (00:15:46) ng Placido Del Mundo Elem School sa 3K.
- Latest