MANILA, Philippines - Ginamit ng Generika-Army Lady Troopers ang kanilang karanasan para pataubin ang RC Cola-Air Force Raiders via straight sets, 25-22, 25-19, 25-16, sa championship match ng 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament women’s division kagabi sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Sa first set lamang nagkaroon ng mahigpitang labanan ang dalawang koponan na nanguna sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL mula elimination round dahil lumabas ang tibay sa paglalaro ng Lady Troopers.
Ito ang ikatlong sunod na titulo ng Lady Troopers sa ligang may suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway, Medical at ang koponan ay humugot sa galing ng dating national player na si Mary Jean Balse.
Ang dating manlalaro ng UST na si Balse ay tumapos taglay ang 16 points, habang ang beteranang setter na si Tina Salak ang siyang namahala sa opensa sa kanyang 24 excellent sets.
Ang PLDT-Air Force Home TVolution Lady Power Attackers ang pumangatlo nang angkinin ang 25-17, 18-25, 25-18, 25-23 panalo sa expansion team AirAsia Flying Spikers.
Kinumpleto ng Power Attackers ang makinang na paglalaro sa men’s division nang ibulsa ang 25-21, 25-21, 25-21 panalo sa Cignal HD Spikers.