MANILA, Philippines - Panibagong pahina ang nangyari sa Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) kahapon nang pormal na iniluklok si dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman Philip Ella Juico bilang bagong pangulo ng samahan.
Umabot sa 25 sa 34 voting members ng PATAFA ang dumalo sa election na sinaksihan ng tatlong opisyales mula Asian Athletics Association (AAA) at ng dalawang kinatawan mula Securities and Exchange Commission (SEC) para maibsan ang ‘di pagpapadala ng kinatawan ng Philippine Olympic Committee (POC).
Naunang nagnomina ang grupo ng 10 personalidad sa pamamagitan ng acclamation at ang mga ito ay siyang nanombra kung sino ang magiging opisyales ng PATAFA na maninilbihan hanggang 2018.
Pinalitan ni Juico si Go Teng Kok, na nanilbihan bilang pangulo ng asosasyon sa loob ng 24 taon.
Ang iba pang bagong opisyales na makakasama ni Juico ay sina Alipio Fernandez bilang chairman, Atty. Nicanor Sering bilang Vice President, Lucy Arciaga bilang treasurer, Maricor Pacheco bilang secretary, Jeanette Obiena bilang auditor.
Sina Cagayan de Oro Congressman Rufus Rodriguez, Cham Teng Young at Pio Chua ang makakasama ni Go bilang board members.
Ang AAA secretary-general Maurice Nicholas ay sinamahan nina Virginia Ang at A. Shuggumarran at wala siyang nakikitang problema kung ang pagkilala sa eleksyon ni Juico ang pag-uusapan.
“I consider PATAFA as a good standing member of the AAA and I don’t see any problem with this election,” wika ni Nicholas.
Ang SEC ay kinatawan naman nina Atty. Rudolph Van Guarin at Atty. Erwin Mendinneto.
Pinasalamatan ni Go ang suporta ng lahat sa ilang taon niya bilang pangulo ng PATAFA at hinimok din niya na ganito rin ang suportang kanilang ibibigay kay Juico.
Balak naman ni Juico na magpatawag ng isang General Assembly sa bandang Nobyembre para maisaayos ang iba pang probisyon sa kanilang Cons-titution at By Laws bago nila ito isusumite sa POC.
Idinagdag pa ni Juico na iaabot niya ang kamay para magkaayos na ang PATAFA at POC at PSC upang maipagpatuloy ang hanap na tagumpay galing sa athletics. (AT)