MANILA, Philippines - Bumalik ang sigla ng paglalaro ni Dindin Santiago pero ang mas mahalaga ay ang suportang kanyang nakuha para iuwi ng Petron Lady Blaze Spikers ang 25-17, 23-25, 25-20, 25-19 panalo sa Cignal HD Lady Spikers sa pagtatapos ng 2014 PLDT Home-Phi-lippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament women’s elimination round kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
May 24 puntos, kasama ang 19 kills ni Santia-go para makabawi mula sa conference low na 17 puntos noong natalo ang koponan sa Generika-Army Lady Troopers.
Ngunit gumana rin ang laro ng ibang kakampi tulad nina Sandra Delos Santos, Mayette Zapanta at Carmina Aganon na nagtulong sa 24 puntos para putulin ng Petron ang dalawang sunod na pagkatalo sa ligang inorganisa ng Sports Core katuwang ang PLDT Home DSL bukod sa ayuda ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Ang pagkatalo ng Cignal ay kanilang ikalima sa anim na laro para mamaalam na sa kompetisyon.
Tumapos ang Petron tangan ang 4-2 karta pero pumangatlo ang koponan kasunod ng Generika-Army Lady Troopers at RC Cola-Air Force Raiders na umabante sa semifinals kahit may 4-2 karta rin dahil sa magandang quotient.
Kalaro ng Petron ang PLDT Home TVolution habang ang AirAsia Flying Spikers, na may 4-2 baraha rin, ang katipan ng Cagayan Valley Lady Rising Suns sa mga knockout quarterfinals matches sa Linggo. (AT)