MANILA, Philippines - Magpapatatag sa itaas ang apat sa anim na koponan na nanalo sa kanilang unang laro sa pagpapatuloy ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Ang mga military teams na Philippine Air Force Air Spikers at Philippine Army Lady Troopers ang magpapasikatan sa unang laro sa alas-2 ng hapon bago palitan ng mga koponan ng Ateneo Lady Eagles at PLDT Home Telpad Power Attackers sa alas-4 ng hapon.
Ang apat na koponang ito ay kasalo pa ng nagdedepensang kampeon na Cagayan Valley Lady Rising Suns at National University Lady Bulldogs na nasa unang puwesto bitbit ang 1-0 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.
Single round robin ang format ng elimination round at ang mangungunang anim na koponan ang aabante, habang mamamaalam ang dalawang mahuhuling koponan.
Dahil dito ay asahan nang hahataw muli ang mga kamador ng apat na koponang ito para pagtibayin ang paghahabol sa puwesto sa susunod na round.
Tiyak na net game ang matutunghayan sa hanay ng Air Spikers at Lady Troopers dahil pareho silang may mahuhusay na manlalaro.
Sina Maika Ortiz, Joy Cases at Judy Ann Caballejo ang mga aasahan ng PAF, habang sina Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis at MJ Balse ang magtutulong para sa Army.
Magandang pagmasdan din ang tapatan ng mahuhusay na setters na sina Tina Salak para sa Lady Troopers at si Rhea Dimaculangan para sa Air Spikers.
Ang husay nina Alyssa Valdez, Amy Ahomiro, Dennise Lazaro at Julia Morado ang mga sasandalan ng Ateneo para itapat sa mga subok ng sina Gretchel Soltones, Charo Soriano at Suzanne Roces.