GM So ‘di lalaro para sa Pinas sa Chess Olympiad
MANILA, Philippines - Inabisuhan na ni Super GM Wesley So ang National Chess Federation Philippines (NCFP) na hindi niya matatanggap ang alok na maglaro sa Pilipinas sa World Chess Olympian sa Tromso, Norway mula Agosto 1 hanggang 15.
Sa panayam kahapon sa NCFP executive director GM Jayson Gonzales, kanyang sinabi na hindi makakasama si So dahil may kontrata ito sa US na kung saan siya ang uupo bilang isa sa mga coaches ng nasabing bansa sa pagsali sa Olympiad.
“Yes, officially he decline to play for the country because he has an existing contract with the US team. And we respect his decision,” wika ni Gonzales.
Bunga nito, papalitan sa line-up si So ni International Master Paolo Bersamina na siyang puma-ngatlo sa idinaos na Battle of the Grandmasters kamakailan.
Naunang pinangalanan ni NCFP president Prospero Pichay si So bilang isa sa limang Filipino Grandmasters na balak ipadala sa Olympiad.
Bukod kay So, ang mga namamalagi na sa US na sina Julio Catalino Sadorra at Oliver Barbosa bukod pa sa nagkampeon sa Battle of GMs Eugene Torre at pumangalawa si John Paul Gomez ang ipinasusuporta sa PSC.
Dahil may opisyal na komunikasyon galing sa batang GM, inaasahang tuluyan na rin siyang mawawala sa talaan ng mga atletang sinusuportahan ng PSC.
Si So ay dating tumatanggap ng P40,000.00 buwanang allowance pero itinigil ito ng PSC matapos maglabas ng pahayag na hindi na niya kakatawanin ang Pilipinas sa mga FIDE events dahil sa planong lumipat ng US federation. (AT)
- Latest