CHICAGO -- Bonggang-bonggang pagkumbinsi ang ginawa ng Chicago Bulls kay Carmelo Anthony kung saan isinama pa nila ang kanilang mga star players sa kanilang presentation nitong Martes.
Kasama si Derrick Rose, Joakim Noah at Taj Gibson sa kumumbinsi sa free agent ng sa New York Knicks para piliin ang Bulls.
Dumating si Anthony sa United Center ng hapon kasama ang kanyang agent na si Leon Rose at coach Tom Thibodeau, na may police SUV pa na sumusunod sa kanilang limousine.
Dinaanan niya ang estatwa ni Michael Jordan at kumaway sa maliit na grupo ng fans pagpasok niya kung saan niya ginugol ang maghapon bago sinilip ang magbubukas na practice facility sa kabilang kalye.
Naniniwala ang Bulls na maganda ang kanilang ginawa na may simpleng selling point na kaya ni Anthony na gawing championship contender ang playoff team.
Naniniwala ang Bulls na kapag nagsama-sama sina Anthony, Rose at Joakim Noah, lalakas ang tsansa nilang manalo ng kanilang unang titulo na huli nilang natikman sa tulong nina Jordan at Scottie Pippen na nagbigay sa kanila ng dalawang three-peats noong 1990s.
Ipinaramdam ng Bulls ang kanilang kagustuhang makuha si Anthony sa paglalagay ng dalawang giant digital images sa taas ng entrace sa Madison Street kung saan makikita si Anthony na nakasuot ng Bulls No. 7 jersey na nagdi-dribble katabi ang isang championship trophy. Mayroon pang ganito sa isang kanto kung saan nagpapakuha ng picture ang mga dumadaang fans. May sign din na nakalagay na “Carmelo Anthony and Chicago basketball’’ at “Melo’’ na may katabing Bulls logo.
Inaasahang makikipagkita din si Anthony, top target sa NBA free agency, sa ibang teams.
Base sa bagong NBA moratorium, ang lahat ng deals ay sa July 10 pa maaaring pirmahan.