P3M mahigit ang hinakot ng mga alagang kabayo ni trainer Vicente

MANILA, Philippines - Nagpasikat ang trainer na si Conrado Vicente sa buwan ng Mayo nang makapagtala ang mga sinasanay na kabayo ng 23 panalo para pangunahan na ang hanay ng mga trainers.

Mahigit na tatlong milyon ang ipinasok na kita kay Vicente ng mga ipinanlaban noong nakaraang buwan para lumundag ito mula sa ikatlong puwesto tungo sa numero uno sa talaan.

Pumalo sa 12 ang kabayong nalagay sa ikalawang puwesto habang may 17 ang pumangatlo at anim ang pumang-apat para makalikom na si Vicente ng 67-63-51-39 karta matapos ang limang buwan ng 2014.

Nakatulong din ito para lumawig na ang kinita sa nangungunang P1,148,264.99 para itulak sa ikalawang puwesto ang nanguna sa huling dalawang buwan na si Ruben Tupas.

 Milyon na rin ang kinita ni Tupas na nasa P1,127,693.25 nang magkaroon ito ng 12 panalo, 13 segundo, 13 tersero at 12 kuwarto puwesto tungo sa kabuuang 51-64-52-52 karta.

Si Dave Dela Cruz ay bumaba sa ikatlong puwesto mula sa dating pangalawang puwesto tangan ang P1,096,634.21 sa 62-59-63-52 una hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos.

Si RP Larosa ay nanatiling nasa ikaapat na puwesto pero si MM Vicente ang umangat sa ikalimang puwesto kapalit ni Danilo Sordan na bumaba sa ikaanim na puwesto.

Ang mga kabayo ni La Rosa ay naghatid na ng 53 panalo bukod sa 40 segundo, 21 tersero at 20 kuwarto puwesto tungo sa P775,365.61 premyo habang si Vicente ay kumabig na ng P598,930.86 mula sa 30-29-39-35 baraha.

Walong kabayo ang nanalo sa  kampo ni Vicente laban sa apat lamang sa bakuran ni La Rosa.

Ang nasa ikapitong puwesto ay si Rey Henson sa P575,979.39 (34-33-17-22), nasa ikawalo si RC Hipolito sa P571,014.49 (27-18-9-11), nasa ikasiyam si JC Pabilic sa P568,244.87 (32-39-21-36) at nasa ikasampung puwesto si RR Yamco sa P552,820.84 (29-27-44-47).

Hindi malayong may mabago sa puwesto ng mga trainers na ito dahil may malalaking karera pa ang idinaos sa buwan ng Hunyo.

Show comments