Bumawi ang tropa

MANILA, Philippines - Pinigilan ng Talk ‘N Text ang tangkang pagpasok sa finals ng nagtatanggol sa koronang San Mig Coffee matapos kunin ang 112-86 panalo sa Game Three ng kanilang semifinals showdown para sa 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum. Kumamada ang Tropang Texters sa second period bago tuluyang gibain ang Mixers sa final canto para ilapit sa 1-2 ang kanilang best-of-five semifinals series ng Mixers. Isang 18-9 bomba ang inihulog ng Talk ‘N Text sa second quarter matapos lumamang ang San Mig Coffee sa 21-20 para ilista ang 38-30 bentahe. Ang basket ni Harvey Carey sa pagsisimula ng third period ang naglatag sa 17-point lead, 54-37, ng Tropang Texters hanggang tabunan ang Mixers sa 92-64 sa 10:15 ng final canto. At mula dito ay hindi na nilingon pa ng Talk ‘N Text ang San Mig Coffee para sa una nilang panalo sa serye. Samantala, pag-aagawan naman ng Rain or Shine at ng Alaska ang krusyal na 2-1 bentahe sa kanilang semifinals duel sa Game Three ngayong alas-8 ng gabi sa Big Dome. Matapos isuko ang Game One, 93-97, sa Alaska noong nakaraang Biyernes ay rumesbak ang Rain or Shine sa Game Two nang angkinin ang 99-87 tagum-pay para itabla sa 1-1 ang kanilang serye. Naging bentahe ng Elasto Painters ang kanilang physical play sa Game Two kung saan natawagan si Aces’ import Henry Walker ng Flagrant Foul Penalty 1 matapos banggain si Beau Belga. Napatalsik naman sa laro si Alaska forward Gabby Espinas sa fourth quarter nang matawagan ng kanyang ikalawang technical foul. Sinabi ni Philippine-born American rookie mentor Alex Compton na hindi dapat pansinin ng kanyang mga Aces ang estratehiya ng Elasto Painters.

Show comments