Kid Molave pa rin sa 2nd leg ng Triple Crown

MANILA, Philippines - Lumutang ang tikas ng kaba­yong Kid Molave sa rekta upang mapagharian din  ang second leg ng 2014 Philracom Triple Crown Championship kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Si John Alvin Guce ang gumabay pa rin sa tatlong taong colt na
humarurot sa huling 150-metro ng karera para manalo sa apat na
paparating sa meta.

Mahusay ang pagkakagamit ni Guce ng latigo at napagtiyagaan niya ang paghabol mula sa  ikalimang puwesto sa kalagitnaan hanggang sa huling kurbada para masungkit ang ikalawang titulo sa tatlong yugtong karera na handog ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Sa 1,800-metro inilagay ang karera at naorasan ang kabayo na may
lahing Into Mischief at Unsaid ng 1:54.4 sa kuwartos na 13, 23’, 24’,
25 at 28’.

Kinabig ng connections sa pangu­nguna ng horse owner na si Manny Santos ang P1.8 milyong unang gantimpala sa P3 milyon na isinahog ng Philracom pero higit dito ay ang paglapit sa isang panalo para kilalanin bilang isang Triple Crown Champion.
Ang ikatlo at huling yugto ng karera para sa mga edad tatlong taong
gulang na kabayo ay nakakalendaryo sa Hulyo 27 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite sa mas mahabang 2,000-metro distansya.
Nakaremate rin ang Kaiserslau­tern ni Antonio Alcasid Jr. habang
pumangatlo ang Low Profile ni Mark Alvarez at ang Kanlaon na dala ni Val Dilema ang pumang-apat para maibulsa ang gantimpalang P675,000.00, P375,000.00 at P150,000.00.

Ang coupled entry ng Kanlaon na Malaya na dala ni Jonathan Hernandez na nakasali matapos pangunahan ang 1st leg Hopeful Stakes sa Metro Turf Club noong nakaraang buwan, ay nakasabay lamang hanggang sa kalagitnaan ng karera bago naubos at tumapos na lamang sa ikalimang puwesto.

Agad na kinuha ng Matang Tubig ang liderato habang sumunod ang Low Profile, Kanlaon at ang Kid Molave ay nasa ikalimang puwesto.

Napaganda naman ang pagsabay lamang ng Kid Molave dahil nawala rin ang Matang Tubig sa far turn at sa pagbungad ng rekta ay ang paborito sa walong naglaban pero anim ang opisyal na bilang ang siyang nakaangat pero nakadikit ang Low Profile.

Wala na ring inilabas ang Low Profile para maalpasan ng Kaiserslauter na tumakbo kasama ang coupled entry Tap Dance sa pagdadala ni Jessie Guce.
Naghatid ang panalo ng Kid Molave ng P7.50 sa win habang ang 8-1
forecast ay nagpamahagi ng P17.50,

 

Show comments