6 Pinoy cue artists nagparamdam
MANILA, Philippines - Anim sa siyam na Filipino cue artists na nasalang sa pagsisimula ng 2014 World 9-Ball Championship sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar noong Sabado ang nanalo sa kanilang mga laro.
Ang pumangalawa sa kompetisyon noong nakaraang taon na si Antonio Ga-bica ay nanaig kay Kou Po Cheng ng Chinese Taipei, 9-5, sa Group 4 para itakda ang pagkikita nila ni Michel Bartol ng Croatia sa Lunes para sa isang puwesto sa knockout stage mula sa winner’s side.
Si Bartol ay nanalo kay Fahim Sinha ng Bangladesh, 9-3.
May 128 manlalaro ang kasali sa kompetisyong sinahugan ng $200,000.00 premyo at hinati sila sa 15 grupo na may tig-walong manlalaro. Ang format ay race-to-9, alternate break at double elimination at ang mangungunang dalawang manlalaro sa winner’s at loser’s side ang magpapatuloy ng laban para sa titulo.
Ang iba pang nanalo ay sina Dennis Orcollo, Warren Kiamco, Carlo Biado, Raymund Faraon at Elvis Calasang habang nabigo agad sina dating kampeon Efren ‘Bata’ Reyes, Ramil Gallego at Francisco Felicilda.
Nakitaan ng tibay si Orcollo nang maisantabi ang 6-8 pagkakahuli tungo sa 9-8 panalo laban kay Jason Klatt ng Canada sa Group 7.
Si Kiamco ay wagi kay Stephan Cohen ng France, 9-7, sa Group 6; si Biado ay nanaig kay Nour Wasfi Al-Jarrah ng Jordan, 9-3, sa Group 8; si Faraon ay nangi-babaw kay Denis Grabe ng Estonia, 9-8, sa Group 9; at dinomina ni Calasang si Marzen Berjaoui ng Lebanon, 9-3, sa Group 10.
Nangapa ang 1999 champion na si Reyes sa dating porma para lasapin ang 5-9 pagkalo kay Jeong Young Hwa ng Korea sa Group 9 habang sina Gallego at Felicilda ay nabigo kina Nick Van Den Berg ng Netherlands (7-9) at Nguyen Anh Tuan ng Vietnam (6-9) sa Groups 4 at 12, ayon sa pagkakasunod.
Katapat ni Orcollo para sa puwesto sa Last 64 si Ko Ping Chung ng Taipei na may 9-8 panalo kay Karol Skowerski ng Poland.
Susunod na kalaro ni Kiamco ang Dutch na si Niels Feijen, haharapin naman ni Biado si Tom Storm ng Sweden, masusukat si Faraon kay Jeong Young Hwa ng Korea, at makikipagtuos si Calasang kay Wu Jiaqing ng China.
May kabuuang 14 manlalaro ang Pilipinas at sina Lee Van Corteza, Johann Chua, Jeff De Luna, Israel Rota at Elmer Haya ay kahapon pa lang nagsimulang kumampanya.
- Latest